Sa paglawak ng abot ng Internet at teknolohiya, naging mahalagang bahagi rin ng kultura at naratibo ng UP ang mga espasyong birtuwal na nagsisilbing lunan para sa iba’t ibang anyo ng interaksiyong online. Ang PinoyExchange ay isa sa mga pinakaunang espasyo kung saan ang mga miyembro ng Unibersidad ay maaaring makipagtalakayan sa pamamagitan ng iba’t ibang forum. Taong 2010 naman nang maitatag ang Narinig Ko sa UP (Overheard at UP) na naging tahanan ng maraming kuwento at karanasan ng mga mag-aaral, alumni, guro, at iba pang kasapi ng komunidad tungkol sa UP. Nariyan din ang Humans of Diliman na hango naman sa Humans of New York ni Brandon Stanton kung saan ang bawat retrato ng mga miyembro ng komunidad ng UP Diliman ay may kalakip na kuwento. Ang mga pahinang tulad ng The Diliman Files at UPD Freedom Wall ay nagbigay daan din para sa malayang pagbabahagi ng nakararami.
Jesie Castro Mga piling komiks na adaptasyon ng mga post sa Facebook group na “Narinig ko sa UP” 2013-2015.