Nagpatuloy ang konstruksiyon ng mga gusali sa UP DIliman at patuloy na lumago ang kampus bilang isang komunidad. Nagtayo ng mga simbahan, dormitoryo, pamilihan, klinika, parke, kainan, at mga tahanan para sa mga guro. Tumaas ang bilang ng mga mag-aaral at guro, dumami ang mga bagong kurso at kolehiyo.
Noong dekada ’50, naging aktibo ang mga mag-aaral sa pagsali sa mga organisasyon, patimpalak, palakasan at pagsasanay pangmilitar pati na rin sa pagdalo sa mga pagtitipon at piging. Hindi na lamang nakasentro sa mga gawaing akademiko ang naging buhay ng mga mag-aaral.
Sa mga huling taon ng dekada, muling umusbong ang damdaming makabayan ng mga mag-aaral. Nagsimula ang mga kilos-protestang laban sa administrasyon ng pamantasan at ng bansa. Naglabas ng matatapang na pahayag ang mag-aaral hinggil sa mga suliranin sa lipunan. Sa pangkalahatan, ang UP ay naging lunsaran ng mga bago at kritikal na kaisipan at makabayang pagkilos.