Ang story map ay isang geospatial na pagkukuwento na nagbibigay-diin sa relasyon ng gawaing kartograpikal at paglikha ng naratiba. Ito ay itinuturing na isang analytical tool na sumusuri sa espasyo gamit ang proseso ng pagkukuwento upang matunton ang mobilidad ng ating realidad. Ito ay nagbunsod sa iba pang pag-aaral na tulad ng literary cartography, geomedia, at cinematic cartography.
Ginamit ang story map sa pagbagtas ng mga cultural map ng UP Diliman at sa paglalarawan ng alternatibong pananaw sa mga espasyo ng komunidad sa loob ng Kampus. Kabilang dito ang mga mapa pagkilos ng tao at ng mga alagang hayop sa loob ng kampus, gayundin ang pagtunton sa mga espasyo na pumupukaw ng partikular na emosyon o pakiramdam sa mga tao na gumagamit ng mga espasyo. Kumalap ng datos ang grupo ng mananaliksik sa pamamagitan ng online survey na ipinasagot sa mga estudyante, alumni, residente, at iba’t ibang sektor ng komunidad. Nagsagawa rin ang grupo ng mga field survey at ethnographic reconnaissance, sa tulong ng Global Positioning System (GPS), upang mabigyang-imahe ang mga kuwento tungkol sa dinamiko at mga nagbabagong mga lugar sa loob ng UP Diliman. Ang mga datos na ginamit sa mga story map ay galing sa pananaliksik na isinagawa noong Disyembre 2018 hanggang Enero 2019, at sa mga proyekto ng mga estudyante ng Geography 192 (Field Methods in Geography) noong 2016.* Gayundin, ang mga datos na inambag ng mga bisita ng eksibit ng Lupang Hinirang noong Pebrero-Abril 2019 na ginanap sa Bulwagan ng Dangal Museum ay nakapaloob din sa mga updated na story maps.
*Ang mga datos na ito ay ginamit nang may buong pahintulot ng mga estudyante na naglikom nito.