Matikas at walang kiming nakatindig habang nakaangat ang dibdib. Nakalantad ang mga braso at nakabuka ang mga kamay. Nakatingala ngunit nakapikit; tila buong-pusong handang ihandog ang kaniyang sarili.
Ang Oblation ay ang materyal na salin ni Guillermo Tolentino sa ikalawang saknong ng Mi Ultimo Adios ni José Rizal, bilang pagtugon sa hiling ni Pangulong Rafael Palma. Pinasinayaan sa Araw ng mga Bayani noong 1935, ang Oblation ay iniugnay sa pagsasakatawan at pag-alaala sa kabayanihan ng mga Pilipinong inialay ang kanilang sarili para sa bayan. Kakabit ng pakahulugang ito ang panawagan para sa makabayang pagtugon, na lalong nabigyang-diin noong 1939, kung kailan binasa sa harapan ng Oblation ang mga dalit ni Rizal para sa kabataan sa kaniyang akdang El Filibusterismo.
Noong 11 Pebrero 1949, sa ika-40 anibersaryo ng unibersidad, inilipat ang orihinal na Oblation mula sa Padre Faura patungo sa Oblation Plaza sa Diliman, kung saan nanatili ito hanggang palitan ng tansong bersiyon noong 1958.
Sa katapusan ng 1957, bilang pagpuna sa mga kakulangan ng administrasyon, malawakang nagprotesta ang mga mag-aaral. Sa unang pagkakataon, binalutan ng itim na tela ang Oblation at sinabitan ng mga plakard ang kaniyang mga kamay. Sa kabila ng pagsalungat dito ng administrasyon, nagbunsod iyon ng bagong pagpapakahulugan sa Oblation—ang pagkilos laban sa pang-aapi at kawalan ng katarungan.
Sa kasalukuyan, ang Oblation ay itinuturing na mahalagang simbolo ng Unibersidad. Habang humuhugot mula sa lumalagong pagpapakahulugan, taglay nito ang hamon na ialay ang sarili para sa bayan, at ang diwa ng progresibong pag-iisip at pagkilos.