Pinagmulan

1908:
Itinatag ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong 18 Hunyo sa bisa ng Philippine Commission Act No. 1870.

1908-1910:
Yumabong ang UP sa pagkakatatag ng iba’t ibang kolehiyo, tumaas ang bilang ng kaguruan at mag-aaral, at nagtayo ng mga gusaling magiging kanlungan ng malayang edukasyon. Itinatag ang mga sumusunod sa panahong ito: School of Fine Arts, College of Agriculture, College of Medicine and Surgery, College of Liberal Arts, College of Engineering, College of Veterinary Science, at College of Laws.

1938-1948:
Noong dekada ’30, sa panahon ng Komonwelt, nagsimulang umigting ang damdaming nasyonalista sa pamamagitan ng pagiging kritikal at sa pakikisangkot ng mga mag-aaral at kaguruan sa mga isyung panlipunan. Taong 1940, umugong ang mga usapin sa planong paglipat ng UP sa 493 hektaryang lupa – ang lupaing Diliman (Diliman estate) na pinangunahan ni Pangulong Bienvenido M. Gonzalez ng UP at Pangulong Manuel L. Quezon. Nagkaroon ng matinding debate hinggil dito na nilahukan ng mga guro, mag-aaral, magulang, at alumni.

1941-1945:
Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pangunahing nasira ang Lungsod ng Maynila. Hindi nakaligtas ang mga gusali ng UP sa pagkasirang dulot ng pag-atake ng mga hukbo ng Estados Unidos sa nakakubling mga Hapon. Matapos ang digmaan, napilitan ang buong pamantasan na lisanin ang Maynila at tumungong Diliman.