Ang UP Diliman, bilang isang publikong institusyon, ay ginagalawan ng iba’t-ibang uri ng tao – mga guro, estudyante, kawani, alumni, trabahador, manininda, guwardiya, drayber, migrante, kamag-anakan, at iba pa – na patuloy na nagbibigay-kahulugan sa pamumuhay sa loob at labas ng kampus. Ang seksiyong ito ay nagnanais na mamalas ang mga paraan ng habitasyon sa kampus na higit sa inaasahang karaniwang pagkilos na hinubog ng mga takdang gusali at lansangan dito. Sino, papaano, at kumusta ang maging mamamayan ng UP Diliman? Sa pamamagitan ng pananaliksik at pakikipagkuwentuhan sa iba’t ibang sektor o stakeholder ng UP Diliman, hinihimok tayong makinig sa iba’t ibang boses, perspektiba, at karanasan ng panananahan sa loob ng kampus.