Si Guillermo Tolentino (24 Hulyo 1890 – 12 Hulyo 1976) ay isang batikang eskultor sa estilong neo-klasisismo na tinanghal bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal (Eskultura) noong 1973. Siya ay nagtapos sa Paaralan ng Sining Biswal ng Unibersidad ng Pilipinas at pagkatapos magpakadalubhasa sa Estados Unidos at Europa ay naging propesor at direktor sa Pamantasan ding ito. Dito niya nilikha ang kanyang obrang ang Oblation, na siyang naging pinakakilalang simbolo ng Unibersidad. Kabilang rin sa mga tanyag na likha ni Tolentino ang Monumento ni Bonifacio sa Caloocan.
Tumatalima ang Oblation sa estilong neo-klasisismo o beaux arts, na naglalayong iwangis ang likha sa ideal na hubog at anatomikong proporsiyon ng tao. Bagaman nabanggit ni Tolentino na ibinatay niya ang likha sa dalawang modelo—isa para sa hubog, at isa pa para sa mahabang proporsiyon ng katawan—hindi niya tinukoy ang partikular na modelo sa mga bahagi ng iskultura.
Mayroong tansong bersiyon ng Oblation na nakatindig sa bawat kampus ng Unibersidad ng Pilipinas. Ang pinakaunang bersiyon ay likha ni Tolentino noong 1958 na ngayon ay nasa UP Diliman. Ito ay nakatayo sa isang pedestal na gawa sa mga pinagpatung-patong na bato mula sa Ilog ng Montalban (ngayon ay Marikina). Ang Oblation ng UP Manila, Baguio, at Iloilo ay likha ni Anastacio Caedo. Nilikha naman ni Napoleon Abueva ang nakatayo ngayon sa UP Los Baños, Tacloban, Miag-ao, at Davao. Si Grace Javier-Alfonso ay lumikha ng bersiyon para sa UP Open University at Philippine General Hospital. Sa mga bersiyong nabanggit, gumamit ang mga eskultor ng cast mula sa orihinal na Oblation; habang ang mga likha ni Javier-Alfonso para sa UPD Extension Program sa Pampanga at Bonifacio Global City (BGC), gayundin ang likha ni Fidel Araneta para sa UP Cebu, ay inihalaw sa orihinal, ngunit ginamitan ng bagong disenyo. Sa lahat ng bersiyon ng Oblation, mayroong halamang kataka-taka sa kaniyang kanang paa, na sumisimbolo sa diwa ng paglilingkod.