Ang pagmamapa ng lugar ay isang proseso ng pagbibigay-hugis at kahulugan sa ating kapaligiran. Masasabing ang kartograpiya ay isang sining at agham na tumutulong sa pagtatalaga ng lugar.
May iba’t ibang uri ng mapa sa kasaysayan ng sangkatauhan. Sa ilang pagkakataon, ang mapa ay naging armas ng kolonisador at naging mitsa ng digmaan at tunggalian. Ang mapa din ay ginagamit sa pagtahak sa bagong buhay at magbigay ng direksiyon sa ating lahat. Manipestasyon din ito ng mga inipong impormasyon ukol sa kultura ng isang bayan, tulad ng mga proyektong “cultural mapping.”
Sa seksiyong ito tinatampok ang mga story map ukol sa UP Diliman. Ang mga kuwentong ukol sa multo, damdamin, geodesic path or mga shortcut, mobilidad, pagkain, at iba pa, ay mga kuwento ng pang-araw-araw na buhay sa campus at dinamikong relasyon ng lugar at ng mga taong nagbibigay ng sarili nilang pagpapakahulugan sa lugar. Hinihikayat tayong lumahok sa paglika ng ating kuwentong UP Diliman, bilang ating tahanan at liwasan.