Sa unang linggo ng Pebrero 1971, pumasok ang puwersa-militar ng administrasyong Marcos sa campus ng UP Diliman para gibain ang mga barikadang itinayo ng mga estudyanteng nakiisa sa welga ng mga tsuper. Hindi umurong ang mga estudyante, at kasama ang mga guro, kawani, at ibang miyembro ng komunidad ng UP Diliman, lumaban sila sa pagpasok ng militar sa campus. Laban sa kalupitan ng puwersa ng gobyernong Marcos, idineklara ang Malayang Komunidad ng Diliman o Diliman Commune. Siyam na araw silang tumindig sa mga barikada upang ipagtanggol ang kalayaan ng Unibersidad.
Noong 23 Setyembre 1972, idineklara ni Pangulong Marcos ang Batas Militar at nabihag ang bansa sa kuko ng diktadura. Sa UP Diliman, ilang guro ang nadakip at nakulong, ibinawal ang mga organisasyong aktibista, at binuwag ang kilusang kabataan. Tumahimik ang Unibersidad. Nagpatuloy ang buhay. Ngunit hindi nagtagal ang katahimikan. Muling nahanap ng mga estudyante ng UP ang tapang upang patuloy silang nakibaka hanggang napatalsik ang diktador na si Ferdinand Marcos.