Ang kahabaan ng Barangay Krus na Ligas (KNL) ay pinanday ng mahabang kasaysayan ng pagtutunggalian at pagkakasundo. Itinatag noong 1630, ang KNL ay napapaligiran ng UP Campus sa ilaya, Sikatuna Village sa ibaba, Loyola Heights sa silangan, at Teacher’s village sa kanluran. Ito ay may lawak na 22.467 ektarya at pinamamahayan ng mahigit-kumulang 21,513 katao.
Noong Setyembre 2019, alinsunod sa Republic Act 11454, nabigyan ng karapatan ang administrasyon ng UP na ipagbili ang ilang bahagi ng Krus na Ligas sa pamahalaang lokal ng Quezon City. Subalit bago pa ito, ang Krus na Ligas ay matagal nang tumutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga guro at mag-aaral na naninirahan sa paligid nito sa pamamagitan ng mga pamilihan at mga maliliit na establisyimentong may kanya-kanyang inihahaing serbisyo. Ang KNL, kasama ang parteng kasalukuyang nasasakupan ng Balara, ay dating tinatawag na Gulod. Ang lugar na ito na napapalibutan ng mayayabong na puno at daang mahirap matahak ay naging kanlungan at isang mataktikang lokasyon para sa mga Katipunero sa panahon ng pakikipaglaban sa mga Kastila. Batay sa mga kwento ay nanirahan daw ang mga Katipunero sa isang lugar na tinawag na Hanyang Gipit, na ngayo’y kinatatayuan ng isang covered court. Dagdag pang sanaysay, sa isang bahay daw malapit sa kasalukuyang simbahan at plaza ay naganap ang ilang mga pulong na pinangunahan ni Andres Bonifacio. Ang makasaysayang pagpunit ng sedula ay nangyari naman daw sa bahay ng isang nagngangalang Apolonio Samson.
Kinalaunan, ang KNL ay napunta sa pagmamay-ari ng mga sumunod na henerasyon ng mga Tuazon, ang mga naging tagapagmana ng isang Tsinong mangangalakal na nagngangalang Son Tua na siyang unang nagmay-ari ng lugar na kanyang nakuha bilang pabuya mula sa isang pamilyang Kastila na may dugong-bughaw. Samantala, noong panahon ng mga Amerikano, napilitan ang mga Tuazon na iparehistro ang kanilang mga lupain kung kaya’t ang Krus na Ligas ay naging bahagi ng Mariquina estate. Makalipas ang ilang panahon ay ipinagbili ang lupa sa People’s Homesite Corporation at ng Unibersidad ng Pilipinas. Bukod dito, ibinigay ng mga Tuazon bilang donasyon ang karagdagang 493 ektarya ng lupa na siyang bumuo sa pook kung saan inilipat ang UP.
Noong panahon ng Martial Law, sinasabing ang KNL ay nagsilbing kanlungan ng mga binansagang “aktibista.” Ipinag-utos ng administrasyon ng UP na alisin ang bahay ng mga magsasaka at gamitin ang ilang bahagi ng lupang sinasaka upang maitayo ang Bliss Housing project at ang Camp Caringal. Sa panahong iyon din nagsimulang manirahan sa mga nabanggit na lugar ang mga migrante mula sa Bicol, Pampanga, at Visayas. Matapos ang People Power Revolution noong 1986, ang administrasyon ng UP ay naglabas ng dokumento na nagsasaad ng “conditional transfer” ng 15.8 na ektarya ng lupa patungo sa mga residente nito. Ito ay pinangasiwaan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City. Subalit sa panahon ng dating pangulo ng Unibersidad na si Abueva ay binawi ang “conditional transfer” sapagkat diumano, hindi natugunan ang mga kondisyong hinihingi upang maisakatuparan ito.
Hanggang sa kasalukuyan, ang Krus na Ligas ay nananatiling isa sa pinakamatatag na komunidad sa UP.
Ang barangay UP Campus ay produkto ng isang desisyong geopolitical ng gobyerno na naglalayong gawing barangay ang lahat ng natitirang baryo at pook sa mga lungsod. Ito ay naitatag noong June 25, 1975, alinsunod sa Executive Order No. 24 ni Hon. Norberto S. Amoranto na siyang punong-bayan ng Quezon City noong panahong iyon. Ang Brgy. UP Campus ay binubuo ng pitong pook, may lawak na 493 ektarya at pinaninirahan ng 45,520 katao. Nasa paligid nito ang limang barangay - Krus Na Ligas, Teacher’s Village, Old Balara, Pansol, at Loyola Heights.
Lumawak ang saklaw ng barangay sa ilalim ng pamumuno ng dating kapitan na si Hon. Manuel Advincula at napabilang sa nasasakupan nito ang Village C, Pook Malinis, Pook Amorsolo, Pook Libis, at Pook C.P. Garcia.
Ang Brgy. UP Campus, ay isang mahalagang haligi ng buong komunidad ng UP. Ito ang ang pangunahing tumutugon sa mga pangangailangan ng Unibersidad, mula sa seguridad nito maging hanggang sa mga ugnayang pang-administratibo. Ang Unibersidad ay tumatalima sa mga programa ng barangay tulad ng pagpapanatili ng kaayusan sa paligid at pagpapausok sa mga gusali. Gayundin, ang administrasyon ng UP ay naging katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagsasagawa ng mga household at property survey noong 1992, 2000, at 2011.
Ang Pook Sumakwel ay isang lugar sa loob ng UP campus na binubuo ng mga pook na mas kilala sa tawag na Area 1, 2 at 3. Dito itinayo ang mga bahay na gawa sa sawali kung saan pansamantalang nanirahan noon ang mga serviceman ng US Army. Ang mga bahay na ito ay nabago at kalauna’y naging tirahan ng ilang mga miyembro ng kaguruan nang nagsimulang lumaki ang populasyon ng Unibersidad. Ang madalas na pagsasama-sama sa iba’t-ibang gawain at pagtitipon-tipon sa ilang mga pagdiriwang ang siyang nagpayabong sa samahan ng mga residente at bumuo ng kanilang pakiramdam ng pagiging bahagi ng komunidad.
Naging tahanan ang Pook Sumakwel ng ilang mga tanyag na personalidad sa bansa katulad ng mga Pambansang Alagad ng Sining na sina Dr. Jose Maceda, Jovita Fuentes, NVM Gonzalez, Guillermo Tolentino, Wilfrido Ma. Guerrero, at ang dating pangulo ng Unibersidad na si Francisco “Dodong” Nemenzo, Jr. Sa kasalukuyan, may ilang bahagi ng pook na itinuturing na “idle.” Ang ibang bahagi naman ng lugar ay ilalaan para sa ilang proyektong pangkaunlaran. Ilan sa bumubuo sa 35.76 na ektaryang ilalaan para sa proyekto ay ang Pook Ricarte, Dagohoy at Palaris. Ang nasabing proyekto ay nagbunga ng alitan sa pagitan ng mga residente at ng administrasyon ng UP.
Makikita sa bahaging kanluran ng Brgy. UP Campus, ang Pook Daan Tubo ay binubuo ng mga tinatawag na “sariling-gawang bahay.” Nakuha ng pook ang pangalan nito mula sa malalaking tubo ng tubig na nakalatag sa ilalim ng lupa na siyang dinadaanan ng tubig patungong Sta. Mesa. Ang mga bahay sa pook ay itinayo daw ng mga kasalukuyang nanirahan dito. Ang mga residenteng ito ay sinasabing walang anumang kaugnayan sa Unibersidad.
Ang mga residente ng Daan Tubo, kasama na ang mga nasa Old Capitol Site ay palagiang may kinakaharap na banta ng pagpapa-alis sa pook dahil sa inaasahang mga malalaking proyektong pangkaunlaran. Noong 1988, nagkaroon ng demolisyon sa lugar at marami sa mga naninirahan doon ang inilipat sa Pook Libis. Nito na lamang nakaranas ang mga residente ng Daan Tubo ng mga proyektong pang-imprastraktura katulad ng pagsasa-ayos ng kanilang mga kalsada at pagkakaroon ng kuryente.
Ang RIPADA o Pook Ricarte, Palaris at Dagohoy ay isa pang pook sa UP na pinagtatalunan ang pagmamay-ari. Ito ay nasa dulong bahagi na ng Unibersidad, kahanay ng Balay Kalinaw at ng Ilang-ilang dormitory at nahahanggahan ng C-5 extension at Old Balara. Mga sariling-gawang bahay ang mga tirahan sa RIPADA. Lumaki ito nang tumaas ang pangangailangan para sa karagdagang pabahay ng mga residente sa kampus at nanatili ang mga kamag-anak ng mga naunang nanirahan dito.
Batay sa mga sanaysay, ang mga residenteng matagal nang naninirahan sa RIPADA ay may mahaba na ring kasaysayan ng pag-alma sa paggigiit ng administrasyon ng UP sa karapatan nito sa lugar. Kabilang ang pook sa nakaranas ng pagbagsak ng ekonomiya noong Dekada 70 at ng iba’t-ibang uri ng karahasan noong panahon ng Batas Militar. Isa sa mga pinakamakasaysayang pangyayari sa pook ay ang tinaguriang “Battle of Ricarte” noong 1985, kung saan sama-samang nagbarikada ang mga residente upang harangin ang noon ay nakaambang demolisyon.
Ang bahagi ng Unibersidad na kilala sa tawag na Village A at B ang kinatatayuan ng mga murang pabahay para sa mga empleyado nito. Noong naninirahan pa ang mga Amerikano sa Diliman, dito nakatayo ang isang istrukturang tinawag na Adjutant General Records Division. Kalaunan ay pinalitan ito ng unang hilera ng mga tahanan sa Village A. Ang mga bahay ay tinawag na “white houses” dahil sa puting pinta ng mga ito. Bawat hilera ng kabahayan ay may sampung yunit. Ang mga yunit na ito ay ipinamahagi sa mga empleyado sa pamamagitan ng isang palabunutan na siyang magtatakda kung sino ang magmamay-ari ng yunit. Sa paglaki ng populasyon ng mga kawani sa UP, napagpasyahan ng administrasyon ng UP na dagdagan ang mga hilera ng bahay. Ang bagong hilera ay tinawag namang Village B.
Nang mapasailalim ang Pook sa Brgy. UP Campus, naging mas maganda ang uganayan ng mga residente sa isa’t isa. Sila ay aktibong nakikilahok sa mga volunteer program, bumubuo ng mga organisadong grupo (hal. Thorns and Roses) na siyang nagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran, at sumasali sa mga gawain sa simbahan katulad ng Flores de Mayo at Santacruzan.
Ang Arboretum ay mistulang isang gubat na matatagpuan sa gitna ng siyudad. Ito ay matatagpuan sa tabi ng UP-Ayala Technohub. Hanggang noong 1962 ay ginamit itong forest nursery ng dating Department of Agriculture and Natural Resources Reforestation Administration. Ito ay tahanan ng napakaraming uri ng halaman at hayop. Sa mga nagdaang taon, kapansin-pansin ang pagdami ng mga informal settler sa lugar.
Sinusubukan ng administrasyon ng UP na muling buhayin ang Arboretum sa pamamagitan ng pagpapatupad ng 10-year master katuwang ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Environment and Natural Resources at Department of Agriculture, at ang Beta Sigma Fraternity.
Ang Pook Libis ay naitatag noong Dekada 80 sa ilalim ng pamumuno ng mga dating kapitan na sina Antonette at Amena. Dumami ang mga naninirahan dito dahil sa paglipat ng mga residente galing sa Area 11 at Daan Tubo. Maraming tahanan ang nawasak sa Pook Libis noong nagkaroon ng malaking sunog dito. Naging malaking proyekto ang muling pagtatayo sa mga tahanang ito.
Sinasabing ang Pook Libis ang isa sa mga tinukoy na lugar upang gawing pangunahing relocation site ng mga residente ng RIPADA subalit hindi nagkaroon nang maayos na pagtatapos ang usapan sapagkat hindi pala kayang ibigay ng administrasyon ng UP sa mga residente ang kinakailangang suporta ng huli upang maituloy ang relokasyon.
Ang Pook Malinis ay naitatag nong 1989 matapos na lumipat sa lugar ang mga dating naninirahan sa Pook Libis.