Ang mga kuwento ng pagsasalugar ay mga artikulasyon ng pinagmulan at mga paraan ng pamamalagi ng isang komunidad. Ito ay isang naratiba na maaaring nasa anyo ng kasaysayang institusyonal, kasaysayang oral, malikhaing pagsulat, sining biswal, o kaya ay pagtatanghal – ang kuwento ay isang dinamikong pagsasabuhay ng mga ideya ng pagkakakilanlan - mayroon itong boses at perspektiba na naka-ugat sa kasaysayan, isinusulong sa kasalukuyan at hinuhubog ang hinaharap. Itinuturing ng eksibisyon na may kapangyarihan ang kuwento na humulma ng isip at damdamin tungkol sa isang komunidad. Sa ganitong perspektiba, maaari rin nating maunawaan na ang proseso ng pagkukuwento ukol sa isang lugar ay isang proseso ng pagsasakapangyarihan.
Ang kuwento ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman ay masasabing malalim at makulay. Layunin ng eksibisyon na tahakin ang mga kuwento ng pagsasalugar mula sa lente ng kasaysayan, antropolohiya at heograpiya, gamit ang pamamaraang arkibo, etnograpiko, mga panayam, palihan at konsultasyon, at pagtatanghal ng mga likhang-sining na ukol sa buhay at kultura ng UP Diliman.
Ito ay isang pagpapalik-tanaw sa UP Diliman sa ika-70 anibersaryo ng paglipat nito mula Maynila noong 1949 bilang “lupang hinirang” -- bilang tahanan ng malayang kaisipan ng mga iskolar ng bayan. Paano nahubog ng pagsakop at pananatili ng Unibersidad ang lugar na kanyang naging bagong tahanan? Ano ang mga nabuo at nabubuong kuwento ng mga naninirahan dito - ng kanilang mga tagumpay at kabiguan? Sino-sino at ano-ano ang mga bumubuo sa mga kuwentong ito? Ano ang sinasabi ng mga kuwentong ito tungkol sa buhay sa UP Diliman? Ang eksibisyon ay naglalayong hikayatin ang lahat na makisangkot sa pagbubuo ng kuwento ng UP Diliman bilang isang komunidad na naghahangad ng isang kinabukasan na puno ng malasakit para sa isa't isa.